Walang tigil ang ginagawang inspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa lubak-lubak na Maysan Road sa Barangay Maysan, Valenzuela City bilang bahagi ng pag-iikot sa mga kalsadang kailangang kumpunihin sa Metro Manila.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, nagdudulot ang sirang kalsada ng matinding trapiko at nagpapahirap sa mga motorista at komyuter na papunta at palabas ng lungsod.
Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Dizon na agad solusyunan ang problema at tiyaking matibay ang pangunahing kalsada sa Valenzuela.
Target ng pagkukumpuni na gawing mas ligtas ang Maysan Road, mapabilis ang daloy ng trapiko, at mabawasan ang oras ng biyahe ng mga dumaraan dito araw-araw.

