Walang kasinungalingan, malisya, o kawalan ng respeto sa Senate Impeachment Court ang naging pahayag sa social media ni Prosecution Counsel Atty. Amando Virgil Ligutan hinggil sa bawal na paggamit ng misleading questions.
Ito ang nilinaw ni legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., kasunod ng akusasyon ng defense team na lumabag si Ligutan sa Sub-Judice Rule nang mag-post ito tungkol sa kontrobersyal na palitan ng argumento sa paglilitis.
Sa naturang post, ipinaalala ni Ligutan na ipinagbabawal kahit sa cross-examination ang pagtatanong ng nakaliligaw o misleading questions.
Inilahad ni Tolosa na bagama’t pinapayagan ang mga tanong na nagmumungkahi ng sagot sa cross-examination, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang misleading questions o mga tanong na nag-aakala ng mga katotohanang hindi pa napapatunayan.