Hihingian ng Senate Committee on Ethics ng tugon ang mga senador na hinainan ng Ethics Complaint sa kumite.
Ito ang ibinahagi ni Senate Committee on Ethics Chairperson Senador Vicente Sotto III matapos ang isinagawang Executive Session ng kumite nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Sotto, hindi muna niya maaaring pangalanan ang mga taong sangkot dahil isinagawa ang pagpupulong sa executive session.
Gayunman, sinabi niyang napagdesisyunan ng kumite na hingan ng kanilang mga tugon ang mga concerned parties.
Inatasan din aniya ang iba pang complainants na kumpletuhin ang mga kinakailangang notarial requirements para sa kanilang mga reklamo.
Bukod dito, napagdesisyunan din ng Ethics Committee na hilingin sa Senate Committee on Rules na pag-aralan ang posibilidad na amyendahan ang kasalukuyang Senate Rules.
Hindi naman nagbigay si Sotto ng karagdagang detalye kung anong partikular na probisyon ng Senate Rules ang nais baguhin ng komite.