Photo courtesy of Quezon City Government
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha, nagbabala ang Quezon City Health Department sa maaaring pagtaas ng kaso ng Leptospirosis sa lungsod.
As of August 10, nakapagtala na ang Quezon City ng 145 na kabuuang kaso ng Leptospirosis ngayong taon, 19 dito ang nasawi.
Sa panayam ng Kuwentuhang Green Mindset kay Dr. Rolando Cruz, Head, Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, ipinaalala niya na kinakailangang agad magpakonsulta upang makaiwas sa Leptospirosis at sa mas matindi pang panganib nito.
“Kung kayo ay na-expose sa baha, huwag na po kayong mag-atubili, huwag na po kayong sumugal na wala kayong nararamdaman ngayon. Meron lang kayong window period na 72 hours para mag-prophylaxis. Kapag lumipas po ito, hindi na po puwede, mag-o-observe na lang tayo kung kayo ay magde-develop ng sintomas,” ani Dr. Cruz.
“Kapag kayo po ay nag-develop ng sintomas after dalawang araw o hanggang 10 araw kadalasan, kailangan nyo pong pumunta sa inyong doctor, sa ating mga health center, sa ating mga ospital para matingnan kayo ng doctor. Huwag nyo pong balewalain ‘yung simpleng lagnat, pananakit ng katawan, pananakit ng muscle sa paa, pamumula ng mata, dahil sintomas ito ng Leptospirosis na puwedeng mauwi sa mas matinding komplikasyon at magdulot ng pagkamatay ng isang taong may Leptospirosis,” paliwanag pa ni QC Chief Epidemiologist.

Tiniyak naman ng QC Health Department na bukas ang health centers para sa libreng konsultasyon at gamot, gayundin ang kahandaan ng Community Health Workers na umaalalay sa pangangailangang medikal ng mga apektadong residente.
Samantala, nakaantabay rin ang medical team para sa health assessment ng mga kababayan nating kasalukuyang nasa evacuation centers.