Nakakuha ang Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF) ng €200 million euros o humigit-kumulang ₱14 na bilyon na pondo mula sa French development bank na Agence Française de Développement (AFD).
Ang pondo ay gagamitin para sa Marine Ecosystem for Blue Economy Development (MEBED) 1 program.
Inaasahang magbibigay ang naturang programa ng mas matatag at pinalawak na kabuhayan para sa mahigit tatlong milyong Pilipino, kabilang ang mga mangingisda, operators ng aquaculture, at mga manggagawa sa sektor ng turismo sa mga baybayin.
Gagamitin ang loan facility upang pondohan ang mga reporma sa patakaran at mga konkretong proyekto. Gaya ng proteksyon sa marine ecosystem, solid waste management, at blue economy investments.
Ang MEBED 1 ay co-financed din ng Asian Development Bank (ADB), na nagpapakita ng malakas na pagtutulungan ng Pilipinas at ng international partners nito.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, sa pamamagitan ng pagprotekta sa mga yamang-dagat, pinoprotektahan din nito ang kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan sa coastal areas at pinatitibay ang ating depensa laban sa climate change.
