Dismayado si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa desisyon ng Pasig Regional Trial Court na maglabas ng preliminary injunction laban sa pagpapatupad ng P85 dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR).
August 13 ang dapat sana’y huling araw ng temporary restraining order (TRO) laban sa taas sahod ngunit dahil sa preliminary injunction ay hindi muna maipatutupad ang wage hike habang nakabinbin ang kaso sa korte.
Ayon kay Diokno, nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring maglabas ang anumang hukuman ng TRO o preliminary at permanent injunction laban sa isang wage order.
Aniya, ang tamang proseso para iapela ang wage order ay nakapaloob sa Article 123 ng Labor Code at hindi sa Regional Trial Court.
Sinabi ni Diokno na nakalulungkot ang naturang kautusan lalo’t hindi umano sapat ang P85 dagdag-sahod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Dahil naman dito muling ipinanawagan ng mambabatas ang agarang pagpapatibay sa panukalang P200 daily wage hike.