Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Sa kanyang sorpresang pagbisita sa OFW Lounge sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), narinig mismo ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Atty. Patricia Yvonne “PY” Caunan ang feedback ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na pansamantalang namamalagi roon.
Ibinahagi ni Administrator Caunan sa programang “Usap-Usapan” sa Radyo Pilipinas World Service na kanyang kinamusta kung maayos ang naging pagpasok ng mga OFW at kung maganda ang naging experience nila sa OFW Lounge.
Aniya, sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. lamang nagkaroon ng OFW Lounges.
Kung matatandaan, isa ito sa mga naging direktiba ng Punong Ehekutibo sa kanyang naging State of the Nation Address (SONA) noong 2024.
Ayon pa kay Administrator Caunan, ang deployment ng OFWs kada araw, base na rin sa tala ng Department of Migrant Workers (DMW), ay nasa 4,000 hanggang 6,000.
Dagdag niya, ang naseserbisyuhan naman ng OFW Lounges kada araw ay nasa 2,300 hanggang 2,500.
Pagbibigay-diin ng OWWA official, kahit limitado lamang ang espasyo na inilaan para sa OFW Lounges ay kanila itong nama-maximize sa pamamagitan ng management policies, kabilang na ang pagtatakda kung gaano katagal maaaring manatili ang isang OFW roon.
Samantala, ipinunto naman ni Administrator Caunan na ang pagkakaroon ng feedback ukol sa OFW Lounges ay isang tanda ng “good governance” dahil dapat nakikinig ang pamahalaan sa sambayanang Pilipino — kabilang na ang mga OFW.
Kanyang binalikan ang naging feedback ng isang OFW sa pamamalagi nito sa OFW Lounge at ayon sa OWWA official, kanilang tiningnan agad kung ano ang aktwal na concern ng naturang OFW upang malaman kung paano ito masosolusyunan.