Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Ibinahagi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga agarang aksyon na isinagawa ng ahensya upang maging mas maayos ang karanasan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nagtutungo ng OFW Lounges sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni OWWA Administrator Atty. Patricia Yvonne “PY” Caunan na personal siyang bumisita sa OFW Lounge sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang naging misyon nila ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa Romania na layong maasistehan ang mga Pilipinong mandaragat na apektado ng gulo sa Black Sea.
Ayon kay Administrator Caunan, kanyang isinagawa ang suprise visit sa naturang OFW Lounge dahil sa naging feedback ng isang OFW na mayroong connecting domestic flight dito sa Pilipinas.
Aniya, dalawa ang OFW Lounges na pinamamahalaan ng OWWA sa NAIA, na napupuntahan bago pa mag-check in ang mga OFW — isa sa Terminal 1 at isa sa Terminal 3.
Dagdag ng OWWA official, maaaring pumasok, kumain, makapag-charge ng kani-kanilang devices, makapag-connect sa internet, at makapagpahinga ang mga OFW sa OFW Lounges.
Ibinahagi ni Administrator Caunan na ang kapasidad ng OFW Lounge sa NAIA Terminal 3 ay nasa 216, habang ang OFW Lounge sa NAIA Terminal 1 ay nasa 140.
Ayon sa kanya, sa kanyang pagbisita ay kinuha niya ang feedback ang mga OFW na nasa OFW Lounge at tiningnan din niya kung paano naaasistehan ang mga senior citizen at persons with disability (PWDs).