Binigyang-diin ng Bureau of Customs (BOC) ang patuloy na pagpapalakas ng revenue collection, compliance, at kampanya kontra smuggling, bilang bahagi ng fiscal program ng pamahalaan.
Sa isang panayam, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na pangunahing misyon ng ahensya ang pagpapaigting ng koleksyon upang makalikom ng pondong gagamitin sa mga programa ng gobyerno.
Kasabay nito, palalakasin pa ng BOC ang enforcement laban sa mga smugglers, na ayon kay Nepomuceno ay nagkakait sa pamahalaan ng kita na maaaring gamitin para sa mga serbisyong publiko.
Binanggit din ng Commissioner ang paggamit ng data-driven monitoring systems, pagpapahusay ng compliance, at pagpapanagot sa mga lumalabag sa batas.
Samantala, pinuri ni Finance Secretary Frederick Go ang mga reporma sa BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR), at sinabing nabawasan ang mga reklamo mula nang maupo ang kasalukuyang pamunuan.
Ayon sa BOC, magpapatuloy ang pagpapalakas ng koleksyon, pagpapatupad ng batas, at pagprotekta sa bansa laban sa smuggling upang makatulong sa pagkamit ng fiscal objectives ng pamahalaan.