Iniutos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang agarang pagsasagawa ng summary dismissal proceedings laban sa isang pulis na nakatalaga sa Northern Police District matapos umanong tutukan ng baril at sipain ang isang e-bike driver sa Tondo, Maynila.
Ang pulis ay nakatalaga sa District Mobile Force Battalion ng NPD at nahaharap sa kasong grave threats at physical injuries.
Ayon sa NCRPO, ang nasabing pulis ay naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District o MPD sa lugar kung saan naganap ang insidente.
Inatasan ni NCRPO Acting Regional Director PBGen. Christopher Abrahano ang NPD at mga kinauukulang disciplinary office na agarang suriin ang kasong administratibo at tiyaking maidokumento ang lahat ng ebidensiya.
Binigyang-diin ni Abrahano na hindi dapat gamitin ang uniporme at baril ng mga pulis upang manakot o manakit ng mamamayan.
Tiniyak ng NCRPO na hindi nito kukunsintihin ang anumang pang-aabuso ng mga tauhan nito at pananagutin ang mga mapatutunayang nagkasala, alinsunod sa batas at due process. | ulat ni Ej Lazaro