Kinuwestiyon rin ni Senator-Judge Risa Hontiveros si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin dahil sa hindi nito maalala ang mga lugar na pinuntahan sa China noong January 2026 gayundin ang mga detalye ng biyahe nito sa ibang bansa.
Sa pagtatanong sa day 40 ng Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ibinunyag ni Hontiveros na batay sa impormasyong nakuha ng kanyang kampo, lumipad si Adalin patungong Beijing noong January 25 sakay ng Philippine Airlines flight PR 358 at umuwi naman mula Shanghai noong January 30 sakay ng PR 339.
Kinumpirma ni Adalin ang impormasyon pero hindi pa rin aniya nito maalala kung sino ang nag organize ng kanilang biyahe.
Giniit ni Adalin na personal trip niya ito kasama ang iba pang department heads at ang city administrator ng Davao City.
Hindi aniya kasama sa byaheng ito si VP Sara Mayor o si Mayor Sebastian Duterte.
Una nang sinabi ni Adalin na personal nilang gastos ang mga biyahe sa China, Australia at iba pang bansa.
Kinuwestiyon naman ni Hontiveros ang hindi nito pag-alala sa mga detalye ng biyahe, sa kabila ng pagkakaroon nito ng travel authority.
Samantala, hiniling ni Hontiveros kay Adalin na ipasuri sa records officer ang lahat ng ari-ariang nakarehistro sa pangalan ni Atty Manases Carpio, asawa ni VP Sara, sa Davao City. Dahil computerized na aniya ang sistema ng city assessor’s office, hiniling ng senadora na maisumite ang impormasyon sa impeachment court. Nangako naman ang testigo na hihilingin ang naturang mga dokumento.