Nagtipon dito sa Pilipinas ang mga film leaders, policymakers, at creatives mula sa Asia at Europe para sa ASEAN Film and Television Summit 2026, na nakatuon sa pagpapalakas ng Asian cinema at pagtutulungan sa industriya.
Isinagawa ang summit sa temang “Navigating Our Future, Together,” kung saan tampok ang mga usapin sa film archiving, education, at regional collaboration. Kabilang sa mga dumalo sina First Lady Liza Araneta Marcos, Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairman and CEO Jose Javier Reyes, Congressman Javier Miguel “Javi” Benitez, at Asian Film Alliance Network Secretary General Lorna Tee.
Inanunsyo rin ni Benitez na natapos na ng House committee na kanyang pinamumunuan ang substitute bill para sa Philippine Film Industry Development Act, ang unang komprehensibong pagbabago sa batas sa pelikula sa loob ng 24 na taon.
Layunin ng bagong panukala na palakasin ang film industry, kabilang ang pagbibigay ng insentibo sa co-productions at location shoots, pagsusulong ng audiovisual literacy sa K-12, at paglalagay sa batas ng permanenteng Philippine film archive.
Ang naganap na summit ay bahagi ng mas malawak na pagsusulong ng pagkilala sa mga kuwento at talento mula sa Asya.

