Sa kulungan ang bagsak ng isang 38-anyos na Chinese national matapos madiskubre ang isang hand grenade sa kanyang inuupahang kuwarto sa Barangay Palanan, Makati City, na humantong sa pagkakasamsam ng kanyang baril, hinihinalang ilegal na droga, at patalim.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na Lin. Bandang 4:55 PM nitong August 15 nang i-report ng building management ang isang hindi sumabog na granada sa unit na tinutuluyan nito.
Agad na rumesponde ang mga pulis at matagumpay na isinagawa ng EOD team ang Rendered Safe Procedure. Sa pag-iinspeksiyon sa mga gamit sa kuwarto, narekober din ang isang sachet ng hinihinalang shabu at dalawang hinihinalang ecstasy tablets.
Nang matuklasang may isa pang unit na inuupahan ang suspek, agad itong pinuntahan ng mga operatiba. Naabutan doon ang suspek at isang 25-anyos na babae. Nakumpiska mula sa kanya ang isang caliber .45 pistol, Swiss knife, isa pang sachet ng hinihinalang shabu, at glass tube pipe na may hinihinalang marijuana residue.
Inihahanda na ang mga reklamo laban sa suspek para sa paglabag sa mga batas hinggil sa explosives, firearms, dangerous drugs, at deadly weapons.
Pinuri naman ng Southern Police District (SPD) ang mabilis na aksiyon ng Makati Police sa pag-neutralisa sa banta sa seguridad ng publiko.