Walong indibidwal ang inaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos madiskubre ang isang undocumented fishing vessel at umano’y ilegal na paglilipat ng produktong petrolyo o “paihi” sa karagatan ng Barangay Makawayan, Tingloy, Batangas, nitong August 15.
Ayon sa PCG, unang ini-report ang naturang sasakyang pandagat na palutang-lutang malapit sa dalampasigan dahil sa problema sa makina. Sa isinagawang inspeksyon, isiniwalat ng isang crew member na undocumented ang vessel at ang mga produktong petrolyo nito.
Tinatayang 5,000 litro ng diesel ang sakay ng bangka. Aabot sa 4,000 litro umano rito ang nakalaan bilang kargamento, habang 1,000 litro naman ang para sa sariling konsumo ng vessel.
Patuloy ang case build-up ng PCG Legal Unit at Investigation and Detection Unit upang matukoy ang pinagmulan, pagmamay-ari, at legalidad ng mga produktong petrolyo.
Nananatili sa kustodiya ng PCG ang walong indibidwal habang hinihintay ang inquest proceedings at posibleng pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
Bahagi ang nasabing operasyon ng pinaigting na kampanya ng PCG laban sa ilegal na transportasyon, paglilipat, at pagbebenta ng produktong petrolyo sa mga karagatan ng bansa.