Nilinaw ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ng Board of Investments (BOI) ng Department of Trade and Industry (DTI) na manufacturing hub at hindi artificial intelligence (AI) hub ang itatayo sa Capas, Tarlac.
Sa pagdinig ng Senado, ipinaliwanag ni DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo na hati ang Pax Silica: una, kasunduan ng 24 bansa; ikalawa, ang aktwal na proyekto sa Tarlac. Tinawag itong Clark Advanced Manufacturing Park, na gagawa ng equipment at components para sa AI data centers.
Tiniyak ni BCDA President at CEO Joshua Bingcang na ang 1,619 ektaryang lupain ay ambag ng gobyerno at hindi maaapektuhan ang suplay ng kuryente at tubig. Gagamit ang mga investors ng solar energy, LNG, baterya, at desalinated water na may sariling imbakan.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni financial analyst Jonathan Ravelas na bagama’t may pangamba sa kuryente at tubig, nakikita rito ang malaking oportunidad para sa Pilipinas. Aniya, maaaring maging pangatlong haligi ng ekonomiya ang proyekto bukod sa exports at oversears Filipino worker (OFW) remittances, pati na rin ang business process outsourcing (BPO) sector.
Dagdag pa niya, magdadala ito ng technology transfer, trabaho, at bagong industriya, na makikinabang ang kabataang Pilipino sa tinatawag na demographic dividend.