Pinabibilis ng Department of Agriculture (DA) ang konstruksyon ng Clark National Food Hub sa Pampanga, sa suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., target ng DA na maging bahagyang operational ang Mega Food Hub bago matapos ang 2027.
Isinagawa na ang mga kasunduan para sa pondo, development, at operasyon ng proyekto, kabilang ang paggamit ng humigit-kumulang 40 ektarya sa Clark Aviation Capital.
Itatampok sa food hub ang food aggregation, cold storage, processing, distribution, food safety laboratories, export facilities, at wholesale at retail spaces.
Ayon kay Tiu Laurel, layunin ng proyekto na mapabilis ang pagdadala ng mga produktong agrikultural mula bukid patungo sa merkado, mabawasan ang logistics costs, at mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Inaasahang makalilikha ang Clark Food Hub ng nasa 2,500 trabaho kapag ganap nang napalawak ang operasyon nito.
Sinabi naman ni Agriculture Undersecretary Arrey Perez na pangunahing layunin ng proyekto na mabigyan ang farmers at fisherfolk ng mas direktang access sa mga buyer at mas malaking kita mula sa kanilang mga produkto.
