Hinikayat ng Commission on Higher Education (CHED) ang mas matibay na regional cooperation para sa responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa higher education.
Ayon kay CHED Executive Director Atty. Cinderella Filipina Benitez-Jaro, mahalaga ang AI sa pagtuturo, pananaliksik, pamamahala, at innovation.
Sinabi ni Benitez-Jaro na isinusulong ng CHED ang digital transformation sa pamamagitan ng mga polisiya at international partnerships.
Binigyang-diin din niya ang China-ASEAN Education Cooperation Week bilang plataporma para sa kooperasyon at pagpapalitan ng kaalaman sa larangan ng edukasyon.
Samantala, sinabi ni Philippine Ambassador Jaime FlorCruz na nakatutulong ang educational exchanges sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at China.
Sa China-ASEAN Education Ministerial Dialogue, binigyang-diin ang papel ng higher education sa innovation at regional development, kabilang ang mahigit 200 institutional linkages ng Pilipinas at China para sa academic exchanges, scholarships, at joint research.
