Nagbabala ang international Catholic lay ecclesial movement na Couples for Christ o CFC sa publiko laban sa mga indibidwal at grupong umano’y gumagamit ng pangalan at logo ng organisasyon nang walang pahintulot.
Sa inilabas na Notice to the Public, sinabi ng CFC na ang pangalan at logo nito ay rehistradong trademark sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines at hindi maaaring gamitin ng sinumang indibidwal o organisasyon nang walang nakasulat na awtorisasyon mula sa kanila.
Ayon sa CFC, may mga grupo at online platform, kabilang ang ilang Facebook page, na gumagamit ng kanilang pangalan at logo, na maaaring magbigay ng maling impresyon na ang mga ito ay opisyal na kaanib ng organisasyon. Binigyang-diin din ng CFC na kinilala ng Vatican ang “Couples for Christ” bilang opisyal na pangalan ng samahan at hindi ito maaaring gamitin ng ibang asosasyon.
Hinikayat ng CFC ang mga miyembro, mga katuwang nito, at ang publiko na tiyaking lehitimo ang anumang grupo o page na nagpapakilalang “Couples for Christ” o “CFC” sa pamamagitan ng kanilang mga opisyal na channel bago makipag-ugnayan o magbahagi ng content nito.
Nagbabala rin ang organisasyon na magsasagawa ito ng kaukulang legal na hakbang laban sa sinumang patuloy na lalabag sa paggamit ng kanilang pangalan at logo.