Tinatayang aabot sa mahigit P1.6 milyon ang hospital bill na hindi na kailangang bayaran ng pamilya Gravamen matapos silang makinabang sa Zero Balance Billing Program ng Department of Health (DOH) sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center.
Ayon sa kanilang kuwento, nagtamo ng injuries ang mag-ama dahil sa pagsabog ng kalan noong December 31 ng nakaraang taon at agad na isinugod sa ospital dahil sa matinding pagkapaso. Umabot sa mahigit P1.6 milyon ang kabuuang halaga ng kanilang pagpapagamot, kabilang ang pananatili sa intensive care unit, mga operasyon, at iba pang kinakailangang gamutan.
Ayon sa DOH, sa ilalim ng Zero Balance Billing Program, libre ang pagpapaospital ng mga kwalipikadong pasyenteng na-admit sa mga pampublikong ospital. Sa Las Piñas General Hospital, awtomatikong tinutulungan ng Medical Social Work Department ang mga pasyente upang mapabilis ang proseso at hindi na sila mabigatan sa gastusin.
Nagpasalamat ang pamilya Gravamen sa Zero Balance Billing Program ng DOH dahil nakapagpokus sila sa paggaling ng kanilang mga mahal sa buhay sa halip na isipin ang napakalaking hospital bill.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang publiko na alamin at gamitin ang programang ito upang matiyak ang mas abot-kaya at accessible na serbisyong pangkalusugan.