Buong suporta ang ipinahayag ng Department of Finance (DOF) sa pinaigting na kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) laban sa smuggling at iba pang uri ng ilegal na kalakalan, kasunod ng isinagawang anti-smuggling operation sa Cebu.
Pinangunahan ni Finance Secretary Frederick Go ang pagsusuri sa revenue performance ng BIR at BOC bago niya nasaksihan ang pagsira sa mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo. Kabilang sa mga winasak ang mga pekeng Internal Revenue stamps, mga makina sa paggawa, raw materials, packaging materials, at mga kemikal na may tinatayang excise tax na mahigit P240 milyon.
Ayon kay Go, bawat pisong hindi nakokolektang buwis ay katumbas ng pondong nawawala para sa mga paaralan, ospital, kalsada, at sahod ng mga guro at pulis. Aniya, nalalagay rin sa panganib ang kalusugan ng mga Pilipino dahil sa paglaganap ng mga ilegal na produktong tabako.
Iginiit ng DOF na patuloy nitong susuportahan ang BIR at BOC sa pagpapatibay ng pagpapatupad ng batas laban sa tax evasion at smuggling upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan at kalusugan ng mamamayan.