Patuloy na tinututukan ng mga awtoridad ang unti-unting pag-phase out sa mga lumang mobile technology sa bansa ngayong taon.
Layon nitong sugpuin ang mga text scam na gumagamit ng IMSI catcher, isang teknolohiyang nag-o-operate sa pamamagitan ng 2G at 3G networks.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, inaasahang tuluyang ihihinto ng mga telecommunications company ang 3G services sa Setyembre. Nakatakda namang mawala ang 2G service sa bansa bago matapos ang taon upang mabigyang-daan ang mga gumagamit ng naturang technology na makapag-update, gaya ng mga CCTV camera na ginagamit para sa seguridad.
Samantala, muling pinaalalahanan ni Usec. Paraiso ang publiko na huwag mag-atubiling isumbong sa CICC Hotline 1326 ang anumang insidente ng cybercrime, kabilang ang online scams, phishing, at identity theft. Matatandaang nauna nang inanunsyo ng Department of Information and Communications Technology ang pag-phase out sa mga lumang mobile technology upang mabigyang-daan ang mas malawak na paggamit ng makabagong 4G LTE at 5G technology. Layunin nitong mapahusay ang komunikasyon sa bansa, na malaking tulong din sa edukasyon at kalakalan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.