Nanawagan sa Office of the Ombudsman ang Alliance for Good Governance o AGG at mga residente ng 14 na barangay sa Bulakan, Bulacan na panagutin ang lahat ng sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon sa mga residente, lubog pa rin sa baha ang ilang barangay, kabilang ang Taliptip, Perez, Matungao, Bambang, Sta. Ana, San Jose, San Nicolas, Balubad, Tibig, at Sta. Ines, dahil sa Habagat at mga bagyong Luis at Maymay.
Iginiit ng AGG na maaaring pinalala ng palpak at umano’y ghost flood projects ang pagbaha.
Ayon kay AGG Convenor Alberto Vicente, patuloy umanong nakakuha ng mga kontrata sa Bulakan ang TBB Construction Corporation habang apektado ng baha ang mga residente.
Sinabi ni Vicente na sa mga affidavit ng dating DPWH officials na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, binanggit umano ang paggamit sa puting van ng TBB sa paghahatid ng maletang naglalaman ng milyun-milyong pisong sinasabing suhol.
Batay sa dokumentong hawak ng AGG mula sa DPWH Transparency Portal, nakakuha umano ang TBB ng 145 kontrata na nagkakahalaga ng ₱1.8 bilyon mula 2018, kabilang ang ₱72.3 milyong proyekto sa Barangay Matungao noong 2024. Iginiit ni Vicente na isama sa imbestigasyon at kaso ang TBB Construction at iba pang pangalang nabanggit sa mga affidavit.