Itinaas na ang 2nd alarm sa Marikina River matapos tumaas sa 16.5 meters ang antas ng tubig sa ilog dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng Habagat.
Naka-full alert na ang iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina.
Sa Facebook post ni Marikina City Mayor Maan Teodoro, sinabi niya na mabilis ang pagtaas ng tubig sa Marikina River dahil maraming tubig din ang bumababa mula sa mga bundok sa Rizal.
Ayon kay Teodoro, naka-deploy na ang mga declogging team ng lokal na pamahalaan para sa pag-alis ng mga basurang inanod at nagiging sanhi ng pagbara sa mga daluyan ng tubig.
Sinabi rin ng alkalde na magpapadala ang lokal na pamahalaan ng krudo para sa tuloy-tuloy na operasyon ng mobile flood pump sa Barangay Tumana at Barangay Malanday.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamahalaang lungsod sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang alamin kung pinapagana na ang pumping station ng ahensya.
Sa ngayon, tumaas pa sa 16.7 meters ang lebel ng tubig sa Marikina River as of 2:37 PM.