Nagsampa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Motion for Reconsideration sa Pasig Regional Trial Court Branch 152, para ipatigil ang freeze at maipatupad ang ₱85 wage hike sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, kinukuwestyon ng ahensya ang inilabas na writ of preliminary injunction laban sa NCR Wage Order No. NCR-27. Hiniling ng DOLE na i-dismiss ang kaso dahil umano sa kawalan ng hurisdiksyon at hindi pagsunod sa mga itinakdang administrative remedies.
Iginiit ni Secretary Tolentino na dumaan sa tamang tripartite wage-setting process ang wage order, alinsunod sa Article 123 ng Labor Code. Nakasaad dito na ang mga apela sa wage orders ay dapat idulog sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Samantala, sa ilalim naman ng Article 126, ipinagbabawal ang pag-isyu ng temporary restraining order o injunction laban sa mga proseso ng NWPC at regional wage boards.
Ang ₱85 dagdag-sahod na nakatakdang ipatupad noong nakaraang buwan, ay inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 1.1 milyong daily wage earners sa Metro Manila, para makatulong sa kanilang mga pamilya at sa tumataas na gastusin.
Sinabi ng DOLE na patuloy nitong gagamitin ang lahat ng naaangkop na legal na hakbang upang maipatupad ang wage increase at mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.