Limang dekada matapos ang naging perwisyo ng itinuturing na “Midnight Killer,” muling nagkaisa ang Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) at ang pamahalaang lokal ng Lebak at Sultan Kudarat upang gunitain ang mga aral ng lindol at tsunami noong 1976 sa pamamagitan ng mga serye ng aktibidad ngayong Agosto 17–18, 2026.
Noong Agosto 17, 1976, niyanig ng Magnitude 8.1 na lindol ang Sultan Kudarat at mga karatig-lalawigan na sinundan ng daluyong o tsunami na umabot sa siyam (9) na metro ang taas—katumbas ng tatlong palapag na gusali. Malubhang napinsala ang bayan ng Lebak, gayundin ang mga baybaying komunidad ng Kalamansig at Palimbang.
Pag-alala sa Kasaysayan at Pagpapatibay ng Kahandaan
Ginanap ngayong Agosto 17, 2026, ang ceremonial unveiling ng kauna-unahang commemorative marker sa silangang bahagi ng Moro Gulf sa Provincial Capitol Extension, Brgy. Tibpuan, Lebak. Parangal ito sa mga survivor, responders, siyentipiko, ahensya ng pamahalaan, at iba’t ibang partner sa paglikas at pagbangon noong 1976.
Ipinamahagi rin sa mga guro at local disaster risk reduction and management (LDRRM) officers ang DOST-PHIVOLCS Project DANAS Sourcebook at iba pang informational materials.
- Agosto 18, 8:30 AM (Brgy. Aurelio F. Freires Sr. Gymnasium): Pagbubukas ng eksibit tungkol sa lindol noong 1976 at mga interactive na gawain para sa kahandaan ng publiko.
- Agosto 18 (Hapon): Seminar na may pamagat na “Kabataan: Handa ang May Alam” para sa mga mag-aaral ng Grade 7 at 8 mula sa Lebak at Kalamansig upang hubugin silang maging tagapagsulong ng kaligtasan sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Ayon sa DOST-PHIVOLCS, ang mga aral noong 1976 ang naging pundasyon ng modernong disaster risk management sa Pilipinas, kasama na ang pagpapalawak ng mga seismic at tsunami monitoring networks sa buong bansa.