Ibibigay pa rin ng Kamara ang nararapat na paggalang sa Office of the Vice President (OVP) sa pagtalakay sa panukalang budget nito para sa 2027, sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Appropriations Committee vice-chair Zia Alonto Adiong, nananatili ang kortesiya at respeto ng Kamara sa OVP kahit pa hindi ito sumipot noong mga nakaraang budget deliberations.
Punto naman ng mambabatas, na hindi nangangahulugan ang paggalang na magiging exempted ang OVP sa masusing pagsusuri ng mga mambabatas.
Paalala niya, na bahagi ng responsibilidad ng isang ahensyang humihingi ng pondo ng bayan ang humarap sa Kongreso at sagutin ang mga tanong tungkol sa paggamit ng budget nito.
Aniya, magiging dereliction of duty sa bahagi ng Kamara kung hindi nito susuriin kung saan at paano gagamitin ng mga ahensya ang pondong inaprubahan ng Kongreso.
Umaasa naman si Adiong na personal na dadalo si Vice President Duterte sa nakatakdang budget deliberations ng OVP.
Batay sa paunang schedule ng budget briefing, nakatakdang sumalang ang OVP sa September 2 para sa talakayan sa panukalang budget nito para sa 2027.
“Respect is there, but it does not also mean that she should be immune from questions; that we disallow or we preclude members of the Appropriations Committee from asking questions about certain matters pertaining to her budget… ‘Pag budget po na yung hinihingi ng ahensya, dapat humarap ka. Kasi ang mga miyembro ng House of Representatives, they represent the people all over the country,” ani Adiong.