Pumalo na sa mahigit 1.4 milyong pamilya o katumbas ng mahigit limang milyong indibidwal ang apektado ng mga pag-ulang dala ng pinagsanib na epekto ng mga nagdaang bagyo at Habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), alas-8 ngayong umaga, nagmula ito sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera, NCR at MIMAROPA.
Mahigit 7,000 pamilya o katumbas ng mahigit 24,000 libong indibidwal ang pansamantalang naninirahan sa nasa 523 na evacuation centers sa buong bansa.
Samantala, nananatili naman sa 23 ang bilang ng mga napaulat na nasawi, 17 ang napaulat na nasugatan habang nasa isa na lamang ang nawawala.
Nasa mahigit 1,800 na mga kabahayan ang napinsala dulot ng sama ng panahon kung saan, 182 rito ang nawasak habang mahigit 1,600 ang bahagyang napinsala.
Aabot naman sa mahigit ₱3.4 bilyong ang halaga ng pinsala sa imprastruktura habang nasa mahigit ₱689 milyon naman ang naitalang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Papalo naman sa mahigit ₱734 milyong ang halaga ng mga maipaabot na tulong ng pamahalaan sa mga nasalanta ng kalamidad.