Tiniyak ngayon ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang tuloy-tuloy na pag-streamline ng housing permit processes, kabilang ang License to Sell (LTS) applications.
Sa isang pahayag, pinabulaanan ng ahensya ang ulat na umano’y nasa “20-year low” ang kanilang LTS issuances dahil batay sa kasalukuyang datos, posible pang lumampas ang 2026 performance sa mga nakalipas na taon.
Ito ay sa ilalim pa rin ng 8-Point Agenda ni DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling, kabilang ang digitalization ng proseso, pag-streamline ng mga serbisyo at pagtukoy sa mga bottleneck sa pagproseso ng aplikasyon.
Sa ilalim ng bagong sistema at 15-day action timeline, walong magkakasunod na linggo nang walang overdue regulatory applications sa lahat ng regional offices ng DHSUD.
Ipinatupad din ng DHSUD ang Temporary License to Sell (TLS) na nagbibigay sa mga aplikanteng may kulang na requirements ng hanggang isang taon para makumpleto ang mga ito.
Kaugnay nito, iginiit din ng DHSUD na nananatiling on track ang pamahalaan sa target nitong 1.13 milyong housing units bago matapos ang termino ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
“Patuloy nating inaayos ang ating mga proseso upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo nang hindi isinasakripisyo ang proteksyon ng lahat ng ating mga stakeholder, kasama na ang mga homebuyers,” ani Secretary Aliling.
Una na ring pinabulaanan ng DHSUD ang ulat na inalis sa pwesto si Senior Undersecretary Sharon Faith Paquiz dahil matagal na umano itong nagpahiwatig ng kanyang planong magbitiw at pormal na isinumite ang resignation noong July 20.