Photo courtesy of House of Representatives
Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chair Mika Suansing na itutuloy ng Kamara ang mga sinimulang reporma para gawing mas bukas, transparent at accountable ang proseso ng pagtalakay sa pambansang budget.
Sa kanyang opening statement sa pagsisimula ng deliberasyon sa ₱7.2-trillion 2027 National Expenditure Program, sinabi ni Suansing na palalakasin pa ng Kamara ang mga repormang ipinatupad noong nakaraang taon, kabilang ang pag-aalis sa small committee, pagtatatag ng Budget Amendments Review Sub-committee o BARC, at live streaming ng mga pagdinig at deliberasyon.
Binigyang-diin ni Suansing na ang panukalang budget para sa 2027 ay nakasentro sa people-centered growth, na may layuning makamit ang mas inclusive at resilient na pag-unlad ng bansa.
Kaya naman dapat maging strategic investment sa mamamayang Pilipino ang ₱7.2-trillion budget at matiyak na ang bawat piso ay may konkretong ambag sa mas mahusay na serbisyo, oportunidad sa trabaho at mas magandang kalidad ng buhay.
Ibabalik din aniya ng Kamara ang mga Pilipino sa sentro ng proseso ng budget, dahil ang bawat pisong ginagastos ng gobyerno ay mula sa dugo at pawis ng taumbayan.
Maglalagay rin aniya ng sapat na safeguards ang Kamara upang maiwasan ang pang-aabuso at matiyak na ang 2027 national budget ay isang budget na mapagkakatiwalaan ng publiko.