Photo courtesy of Department of Finance
Target ng pamahalaan na mapababa ang deficit-to-GDP ratio ng bansa mula 5.4% ngayong 2026 tungo sa 3.5% pagsapit ng 2030, ayon kay Finance Secretary Frederick Go.
Ayon kay Go, mahalaga ang patuloy na pagpapalago ng revenue collection habang responsable ring pinamamahalaan ang paggasta ng pamahalaan upang makamit ang fiscal consolidation target.
Sa nakalipas na apat na taon, lumago ang kabuuang revenues ng average na 10.5% kada taon, habang ang tax revenues naman ay tumaas ng average na 10.47%.
Noong unang kalahati ng 2026, umabot na sa P2.14 trillion ang tax collections, o 5.4% na mas mataas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, at nakamit na ang 49.7% ng full-year target.
Sinabi ni Go na nasa 16.6% ng GDP ang revenue effort ng Pilipinas, na kabilang sa pinakamataas sa Southeast Asia, habang inaasahang aabot sa P1 trillion ang koleksiyon ng Bureau of Customs ngayong taon.
Gayunman, kailangan pa aniyang itaas ng BIR at BOC ang kanilang performance sa pamamagitan ng pagpapahusay ng collection efficiency, pagpapalakas ng compliance, at paggamit ng teknolohiya upang matugunan ang mga revenue leakages.
Target na lumago ng average na 9% kada taon ang tax collections mula 2026 hanggang 2028, dahilan upang umabot sa P5.5 trillion ang kabuuang revenues sa pagtatapos ng termino ng Pangulo.
Kasabay nito, inaasahan ding unti-unting bababa ang debt-to-GDP ratios ng pamahalaan.
Mula sa projected na 65% sa 2026, inaasahang bababa sa 63% ang national government debt-to-GDP ratio pagsapit ng 2030, habang ang general government debt naman ay inaasahang liliit mula 59% tungo sa 56% sa parehong panahon.