Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Omar sa pamumuno ni Mayor Abdulbaki Ajibon ang suporta nito sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbuo ng isang composite task force at pagkuha ng mahigit 100 volunteer teachers upang makatulong sa pagtugon sa kakulangan ng mga guro sa distrito.
Ayon kay Habibazar Mustafa, district-in-charge ng Omar District, binuo ng Omar Local Government Unit (LGU) ang isang task force na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang masubaybayan ang kalagayan ng mga paaralan at matukoy ang mga pangangailangang dapat tugunan ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Mustafa na hindi lamang performance ng mga guro ang kabilang sa minomonitor ng task force, kundi maging ang kondisyon ng mga pasilidad at iba pang imprastraktura ng mga paaralan.
Layunin nitong magkaroon ng mas malinaw na pagtukoy sa mga pangangailangan ng bawat paaralan upang makapaglatag ng nararapat na suporta at interbensyon ang lokal na pamahalaan.
Ipinahayag din ni Mustafa ang kanyang tiwala sa kasalukuyang pamunuan ng Department of Education (DepEd), sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, gayundin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang paigtingin ang mga hakbang upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga paaralan.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng national government, DepEd, lokal na pamahalaan, mga guro at iba pang sektor, inaasahang higit pang mapalalakas ang mga programa at suporta para sa edukasyon hindi lamang sa Omar District, kundi sa buong probinsya ng Sulu.