Mahigit ₱16-na bilyon ang iminungkahing dagdag na pondo ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) para sa mga programa ng Department of Agriculture (DA) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa 2027.
Pinakamalaki sa mga dagdag na pondo ang ₱10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAF), na walang nakalaang pondo sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ayon sa BARSc, ang kaparehong ₱10 bilyong pondo noong 2026 ay nakatulong sa tinatayang 4.3 milyong magsasaka sa buong bansa.
Layunin ng panibagong pondo na magkaroon ng agarang ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sakaling matuloy ang matinding epekto ng El Niño.
Inaprubahan din ang ₱500 milyon na dagdag para sa Expanded Fertilizer Assistance Program upang matulungan ang mga magsasaka na maipagpatuloy ang pagtatanim sa kabila ng mataas na presyo ng fertilizer at iba pang farm inputs.
Para naman sa irigasyon, naglaan ang BARSc ng ₱125 milyon para sa solar-powered irrigation pumps sa mga lugar na hindi sakop ng irrigation service areas ng National Irrigation Administration (NIA).
Kasama rin sa amendments ang ₱105 milyon para sa hybrid solar-powered ice plants para makatulong na maiwasan ang pagkasira ng mga huling isda, lalo na sa mga liblib na lugar na limitado ang access sa cold storage o ice facilities.
Dagdag na ₱150 milyon naman ang inilaan para sa agricultural transport system o tram system na maaaring gamitin sa mga mountainous areas upang mas madaling maihatid ang high-value crops mula sa mga production area.
Mayroon ding ₱4.96 bilyon ang karagdagang pondo para sa farm-to-market roads, ₱500 milyon na dagdag para sa construction, rehabilitation, at improvement ng mga fish port at ₱100 milyon din para sa high-value crops kabilang ang ube industry.
Aabot sa ₱20.863 bilyon ang kabuuang inaprubahang budget amendments ng BARSc para sa agriculture sector kasama ang National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agrarian Reform (DAR).