Pinag-iingat na ng Quezon City Health Department ang mga residente sa posibleng epekto ng lumalalang El Niño, partikular sa kalusugan.
Bukod sa maaaring maranasan na dehydration, heat exhaustion, at heat stroke dahil sa matinding init, ibinabala rin ang panganib ng food at waterborne illnesses dahil sa posibleng kakulangan sa tubig at mas mabilis na pagkasira ng pagkain.
Ayon pa sa QC Health Department, kabilang din sa maaaring maranasan ang mga problema sa balat gaya ng pagkatuyo, pangangati, sunburn, at bungang-araw, gayundin ang psychological at psychosocial stress dahil sa matagal na tagtuyot.
Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng pagdami ng insect-bite-related diseases dahil sa mainit at maalinsangang panahon.
Dahil naman dito, pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto at agad magtungo sa pinakamalapit na health center kapag nakararanas ng sakit.
Patuloy namang nagbibigay ang QC Health Department ng primary healthcare services sa mga health center at Super Health Center sa lungsod.


