📷 Jay Tristan Tarriela
Nagpadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng BRP Teresa Magbanua at ng eroplanong islander ng PCG noong ika-1 ng Oktubre 2026, upang hamunin at paalisin mula sa karagatan ng Pilipinas ang Chinese research vessel na Jia Hai KE 7.
Ang naturang research vessel ay nananatili sa loob ng Exclusice Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas o humigit-kumulang 37 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes mula nang unang kumpirmahin ng PCG ang presensya nito noong ika-28 ng Setyembre.
Dakong 7:55 kaninang umaga, lumapit ang BRP Teresa Magbanua sa Jia Hai Ke 7 sa distansyang 100 yards at nagbaba ng isang rigid-hull inflatable boat (RHIB) upang pigilan ang ilegal na marine scientific research (MSR) na isinasagawa ng nasabing barko. Habang patuloy na naglalabas ng mga hamon sa radyo ang BRP Teresa Magbanua, paulit-ulit na nagmamaniobra upang umiwas ang naturang research vessel.
Habang isinasagawa ang naturang operasyon, dumating sa lugar ang barko ng China Coast Guard na CCG-2503 kung saan bahagya itong lumapit sa BRP. Teresa Magbanua at paulit-ulit na naglabas ng hamon sa pamamagitan ng radyo. Bilang tugon dito, sinundan ng BRP Teresa Magbanua ang barko ng CCG sa layong humigit-kumulang 1,000 yards habang nananatiling malapit sa research vessel.
Samantala, nagpadala rin si PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan ng PCG Islander na lumipad mula sa Basco upang magsagawa ng Maritime Domain Awareness (MDA) flight sa nasabing lugar at upang magbigay suporta sa BRP Teresa Magbanua.
Ganap na ika-11 ng umaga ngayong araw, ang BRP Teresa Magbanua ay nananatili sa humigit-kumulang 37 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Itbayat at patuloy na binabantayan ang research vessel upang pigilan ang ilegal na isinasagawa nito at paalisin mula sa EEZ ng Pilipinas.
📷PCG/Jay Tarriela