Mariing pinabulaanan ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na may kinalaman o panggigipit mula sa mga senador-judges kaya umatras si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang ibinunyag ni Trillanes na siya mismo ang humiling na alisin ang kanyang pangalan sa listahan ng prosekusyon upang maibsan ang pressure na nararanasan ng panel.
Ayon kay Luistro wala siyang alam na anumang pressure mula sa mga senador.
Aniya ang dating senador ang umatras kaya mas mainam na siya ang tanungin sa mga detalye.
Dagdag pa niya, ang tanging pressure na nararanasan ng Prosekusyon ay ang pagpipirisinta nalang ng mga natitirang saksi sa mga alegasyon.
Tiniyak din ni Luistro na hindi mapapahina ang kaso nila laban sa Pangalawang Pangulo dahil sa pag-atras ng dating mambabatas.