Nakaalalay na ang Social Security System (SSS) sa mga miyembro nitong apektado ng Bagyong Maymay at Habagat sa tulong ng Emergency Loan Program (ELP).
Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph M. de Claro, layon ng ELP na magbigay ng agarang financial assistance sa mga miyembrong nangangailangan ng dagdag na suporta dahil sa kalamidad at iba pang emergency.
Sa ilalim ng programa, maaaring makahiram ng hanggang ₱20,000, na may interest rate na 7% kada taon, at babayaran sa loob ng 30 buwan.
Simula noong Mayo 1, 2026, ibinaba na ng SSS sa 18 buwan ang kinakailangang bilang ng monthly contributions, basta may hindi bababa sa anim na posted contributions sa nakalipas na 12 buwan. Para naman sa self-employed, voluntary, non-working spouse at land-based OFW members, kailangan lamang ding may anim na buwan ng contributions sa ilalim ng kanilang kasalukuyang membership type bago ang buwan ng aplikasyon.
Kabilang sa iba pang requirements ay dapat na wala pang 65 taong gulang, may valid Philippine address at updated contact information sa SSS records, walang past-due loans o outstanding restructured loan, at aktibong disbursement account na naka-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) ng My.SSS Portal.
Maaari ring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro ng SSS Salary Loan kasabay ng ELP, depende sa umiiral na requirements.
Maaaring isumite online ang aplikasyon para sa ELP at Salary Loan sa My.SSS Portal.