Personal na ininspeksyon ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Vigor Mendoza II ang ilang gasoline stations sa Metro Manila para tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng ₱12 kada litro na fuel discount para sa mga jeepney at UV Express operators.
Sa kanyang pag-iikot, nakita nito na walo sa 10 gas stations ang agad nang nagpapatupad ng bagong discount. Wala rin umanong seryosong problema na naitala sa unang araw ng implementasyon.
Kasunod nito, pinatitiyak na rin ni Chair Mendoza sa lahat ng LTFRB Regional Franchising and Regulatory Offices ang tuloy-tuloy na monitoring sa implementasyon ng fuel discount program.
Sa ilalim ng programa, maaaring makakuha ang bawat kwalipikadong jeepney at UV Express operator ng hanggang 150 litro ng discounted fuel kada linggo, katumbas ng tinatayang ₱1,800 na matitipid kada linggo.
Tinatayang 143,000 jeepney at UV Express units na ang nakalista sa programa sa higit 5,000 gasoline stations nationwide.

