Nananatiling bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pakikipag-usap sa lahat, kasundo man niya sa politika o hindi.
Ito ang tugon ni Communications Undersecretary Claire Castro nang tanungin kung pagbibigyan ba ng Pangulo, sakaling humiling si Vice President Sara Duterte ng isang pulong kasama si Pangulong Marcos.
Ayon kay Castro, wala siyang impormasyon kung may katotohanan ang umano’y hiling ni VP Sara para sa isang private meeting kasama ang Pangulo.
“Wala po tayong makukumpirma patungkol po diyan dahil wala naman din pong ibinababa sa atin na anumang impormasyon kung mayroon ngang ganiyang kaganapan. So, sa ngayon ay wala tayong makukumpirma.”
Gayunman, una na umanong sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang podcast na bukas siya sa pakikipag-usap sa lahat ng maaaring hindi sumasang-ayon sa kanya.
Sa ganitong paraan, magkakaroon aniya ng magandang pagkakaintindihan.
“Sa lahat ng maaaring hindi sumasang-ayon sa kaniya, siya ay bukas upang makipag-usap para magkaroon ng magandang pagkakaintindihan, hindi partikular para kay Bise Presidente baka kasi magkaroon na naman ng misinterpretation at misunderstanding sa ating mga ginawang katugunan ngayong araw na ito.”