Nanawagan si Senate Labor Committee Chairman Senador Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng pansamantalang programa para matulungan ang mga minimum wage earner sa Metro Manila habang nakabinbin ang pagpapatupad ng P85 dagdag-sahod dahil sa injunction order ng korte.
Ito ay matapos maglabas ang Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 ng writ of preliminary injunction na pansamantalang pumipigil sa implementasyon ng NCR Wage Order No. 27, na nagtatakda ng P85 wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region.
Ayon kay Villanueva, dapat igalang ang prosesong itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 6727.
Aniya, nilikha ang tripartite wage-setting system para balansehin ang interes ng mga manggagawa, management, at pamahalaan sa usapin ng sahod.
Giit ng senador, ang mas kailangan ngayon sa wage-setting process ay isang komprehensibo at mahinahong dayalogo sa ilalim ng itinatag na mekanismo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Muling binigyang-diin ng Senate labor chief na nakasaad sa Labor Code na hindi maaaring pigilan ng korte ang mga proseso ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at mga Regional Wage Board at doon dapat idulog ang mga pagtutol sa kanilang mga desisyon.
Babala ni Villanueva, maaaring lalo lamang maantala ang benepisyo ng mga manggagawa kung mauuwi sa mahabang paglilitis ang usapin sa wage order.
Pahayag ni Villanueva, patuloy niyang susuportahan ang NWPC at RTWPB-NCR sa paghingi ng kaukulang remedyo sa Office of the Solicitor General.
Binigyang-diin niya na hindi dapat lalong maipit ang mga manggagawa habang nireresolba ang mga legal na usapin.