Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na on top ito ng sitwasyon kaugnay ng pananambang kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga commander sa ground na paigtingin ang intelligence gathering at magsagawa ng adjustments sa deployment habang papalapit ang kauna-unahang parliamentary elections sa September.
Gayunman, nilinaw ng PNP chief na walang epekto sa nakatakdang halalan ang insidente ng pananambang kay Macacua, kasabay ng pagtitiyak ng maayos, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
Ayon sa COMELEC, lumalabas na isolated incident lamang ang nangyaring pag-atake kay Macacua at hindi ito dapat maging dahilan para ipagpaliban ang naturang halalan.
Sa pulong-balitaan naman sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co na isinasaalang-alang ng pulisya na may kaugnayan sa halalan ang insidente.
Bumuo na rin aniya ng Special Investigation Task Group (SITG) para imbestigahan ang pag-atake at tugisin ang mga nasa likod nito.