Hindi palalampasin ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagkalat ng pekeng memorandum kaninang umaga, na umano’y napapahintulot sa government offices na magpatupad ng Alternative Work Arrangement.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, bugbog na bugbog na sa fake news ang Pilipinas.
“Sa ngayon ay inaaral po natin iyan at ang sabi nga po natin lahat ng mga nagbibigay ng mga ganitong klaseng mga impormasyon na maaaring makaapekto sa ating mga kababayan ay hindi po palalagpasin.” — Castro.
Inaalam na aniya ng gobyerno ang pinanggalingan ng fake memorandum na ito, na nagdulot ng kalituhan sa publiko kaninang umaga, bago ang naging opisyal na anunsyo ng Palasyo, kaugnay sa alternative work arrangment, pasado alas-10 ng umaga.
Umaapela ang Palasyo sa publiko na manatiling makilatis sa tinatanggap na impormasyon, at kumuha lamang ng update mula sa pamahalaan at mainstream media.
“Hindi lamang po PCO, hindi lamang po ang pamahalaan ang magsasagawa ng anumang pag-iimbestiga rito o pag-a-assess, kakailanganin din po namin ang tulong po ninyo lalung-lalo na sa mainstream media dahil kayo po ay napakalaking tulong sa ating gobyerno para hindi na kumalat pa ang ganitong mga klaseng fake news.” — Castro.