Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Kabilang ang “professional courtesy” at ang obligasyon na panatilihin ang courtroom decorum sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ng mga abogado dito sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni former Integrated Bar of the Philippines (IBP) president Atty. Domingo Cayosa sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service.
Kaugnay ito ng naging pahayag ni House of Representatives prosecutor and Akbayan party-list Rep. Chel Diokno patungkol sa pagpapairal ng respeto, decorum, at wastong pag-uugali sa gumugulong na Senate impeachment trial kay Vice President Sara Duterte matapos ang ilan insidente ng maiinit na palitan ng prosekusyon at depensa.
Ayon kay Atty. Cayosa, kasama rin sa CPRA ang pagiging patas at matapat sa lahat ng ginagawa ng isang abogado — pareho sa propesyunal at personal nilang buhay.
Binigyang-diin din ng pantas sa batas na kinakailangang maging adversarial ang proseso sa courtroom o mga tribunal dahil sinusubukang matukoy ang kredibilidad ng impormasyon, ebidensya, o pahayag na iprinisinta sa korte.
Dagdag ni Atty. Cayosa, hindi nararapat na mambastos, manira, manlinlang, at gumamit ng kasinungalingan sa anumang paglilitis.