Nanindigan ngayon ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ipatutupad nila ang batas nang walang diskriminasyon sa anumang lahi o lipi.
Ito ang tugon ni PAOCC Executive Director, Usec. Benjamin Acorda Jr. sa banta sa kaniya ng isang opisyal ng Tsina na maghihiganti sila sa pag-aresto sa kanilang mga kababayan.
Ang tinutukoy dito ng opisyal ng Tsina ay ang pag-aresto ng PAOCC, NBI at AFP sa 69 na Chinese nationals na illegal na nagtatrabaho sa pabrika ng Sanjia Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental, noong Mayo.
Una nang sibi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang banta na ito ng Tsina sa may 100 Pilipino roon ay malinaw na ‘extortion’ at ‘blackmail’.
Giit ni Acorda, layon ng mga ikinakasa nilang operasyon ay pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo na iyong mga nagtatrabaho sa naturang pabrika gayundin ng mga parokyano ng sub-standard at mapanganib na bakal na ginagawa nito.
Ginawa ni Acorda ang pahayag matapos ang ikinasa nilang operasyon ng NBI sa Davao Mighty Steel Corporation sa Davao City noong isang linggo, na tila may pagkakapareho sa istilo ng paggawa ng bakal sa Sanjia.
Nasa 14 ang naaresto sa naturang operasyon kabilang na ang 10 Chinese national na kakasuhan din kasama ang 12 iba pa dahil sa pagiging incorporator ng naturang kumpaniya.