Nagpapatuloy at hindi nababalam ang operasyon ng mga paliparan sa bansa base sa monitoring ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Sa panayam ng programang BOSES kay CAAP Public Information Officer Bea Bernardo, kahit pa naitala ang epekto ng habagat sa bansa at low pressure area ay wala naman silang naitalang kanseladong flights.
Magkagayunman, 26 flights ang kumpirmadong apektado ng masamang panahon ayon sa CAAP. Sa bilang na ito, 11 ang diverted flights, lima ang misapproved flights habang 10 naman ang go around flights. Karamihan naman sa mga diverted flights ay dinala sa Clark International Airport na mas maayos ang lagay ng panahon kumpara sa Metro Manila.
Paalala pa ng CAAP sa mga pasahero na manatiling nakatutok sa social media pages at platforms ng mga paliparan upang malaman ang update sa kanilang flight schedules lalo kung masama ang panahon.