Matamang binabantayan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sitwasyon kasunod ng malakas na pagbuhos ng ulan dala ng hanging Habagat.
Ito’y makaraang iulat kahapon ng PAGASA na umabot sa 201.7 millimeters (mm) ang buhos ng ulan sa loob lamang ng limang oras, o mula 9:00 AM hanggang 2:00 PM.
Dahil dito, umapaw ang mga ilog na nagdulot ng malawakang pagbaha sa buong Metro Manila sa loob lamang ng dalawang oras.
Ayon kay MMDA General Manager USec. Nicolas Torre III, katumbas aniya ito ng kalahati ng ibinuhos ng bagyong Ondoy na siyang nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila noong September 2009.
Kagabi, naghandog ng libreng sakay ang MMDA sa mga pasaherong na-stranded at nahirapang makauwi dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Hinikayat naman ng MMDA ang publiko na iulat sa kanilang hotline na 136 ang anumang emergency upang agad na matugunan.