Hindi magbabago ang posisyon ng Pilipinas hinggil sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na aktibidad ng mga Chinese national sa bansa.
Tugon ito ng Department of National Defense (DND) sa pagtatangka umano ng Tsina na baliktarin ang Pilipinas kaugnay ng pag-aresto sa mga Chinese national noong May dahil sa ilegal na pagtatrabaho ng mga ito sa Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental.
Ayon kay Defense Spokesperson ASec. Arsenio Andolong, patuloy na igigiit ng Kagawaran ang pagprotekta sa soberanya ng bansa at hindi aniya ito mababago ng anumang uri ng retorika o maaanghang na pananalita ng Tsina.
Sinabi ni Andolong na inilatag nila ang mga katanungan na dapat sagutin ng China, ngunit pilit umano itong iniiwasan at binabaliktad pa ang sitwasyon.
Una rito, iniulat ng National Maritime Council (NMC) na nakapaghain na ang Pilipinas ng 27 diplomatic protest laban sa China dahil sa mapangahas, agresibo, at ilegal na mga hakbang nito sa West Philippine Sea (WPS).