Nagbabala si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na kailangan pang paigtingin ng bansa ang pagbabantay sa West Philippine Sea, partikular sa Scarborough Shoal, upang hindi makumpleto ang tinatawag ng China na “Iron Triangle.”
Ayon kay Tarriela, tanging ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal na lamang ang hindi pa ganap na nakokontrol ng China na siyang bubuo sa istratehikong “Iron Triangle” kasama ang mga isla ng Paracel at Spratlys.
Kung magtatagumpay umano ang China na pati ang Bajo de Masinloc ay ma-militarize, tiyak na sila na talaga ang magkakaroon ng “absolute control” sa buong South China Sea.
Ibig sabihin nito, lahat ng aktibidad na may koneksiyon sa maritime domain ng South China Sea ay lubos nang makokontrol ng China, na siya namang maglilimita sa freedom of navigation at maaaring makaapekto sa global trade.