Photo courtesy of Department of Education
Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang bagong panukala para mas mabilis na makapagbalik-klase ang mga paaralang ligtas at handa na matapos ang sakuna o masamang panahon.
Sa ilalim ng panukalang Executive Order, maaaring magbalik sa face-to-face classes ang isang paaralan kahit may suspensyon sa buong lungsod o munisipalidad, basta’t ligtas ang paaralan at may pahintulot ng local government unit (LGU).
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang nababawasan ang oras na nawawala sa kanilang pag-aaral.
Noong School Year 2023–2024, umabot sa 53 araw ang nawalang araw ng klase sa mga pampublikong paaralan dahil sa masamang panahon at iba pang insidente.
Layunin din ng panukala na magkaroon ng malinaw na patakaran sa suspensyon at pagbabalik-klase kapag may matinding init, lindol, pagkawala ng kuryente at masamang kalidad ng hangin.