Patuloy pa ring nakabantay ang Malabon City Government sa patuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat sa Metro Manila.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval mahigpit na mino-monitor ng Malabon Disasters Risk Reduction and Management Office(MDRRMO) ang mga ilog, waterways, flood-prone areas at kondisyon ng tubig para agad na makatugon sa anumang pagbaha.
Naka-standby rin ang mga rescue team, sasakyan at iba pang kagamitan, habang naka-preposition na ang relief goods, food packs, gamot at emergency supplies para sa posibleng paglikas ng mga residente.
Patuloy ding iniinspeksyon ang mga pumping station at floodgate, habang nakaantabay ang mga debris-clearing team.
Hinikayat ng Malabon LGU ang mga residente, lalo na ang nasa mabababang lugar, na manatiling alerto, subaybayan ang opisyal na abiso at iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe. | ulat ni Rey Ferrer