Tiniyak ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval ang patuloy na suporta ng City Government sa pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang edukasyon sa mga kabataang Malabueño.
Kasunod ito ng muling pagkakasama ng City of Malabon University(CMU) bilang benepisyaryo ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFAST.
Inaprubahan ng UniFAST Board ang CMU at pitong iba pang local universities and colleges bilang mga benepisyaryo noong Agosto 13.
Sa ilalim nito, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong estudyante sa libreng tuition at iba pang covered school fees, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Maaari rin silang makinabang sa Tertiary Education Subsidy(TES) at Tulong Dunong Program, depende sa kwalipikasyon at availability ng pondo.
Ayon kay City Administrator Dr. Alexander Rosete, resulta ito ng mga hakbang ng CMU para ayusin ang mga sistema, dokumentasyon at iba pang institutional requirements.
Nawala ang UniFAST eligibility ng CMU noong Academic Year 2022–2023, ngunit muli itong nakamit kasunod ng mga isinagawang reporma at pagkamit ng Institutional Recognition mula sa CHED ngayong taon. | ulat ni Rey Ferrer